The struggle is real: Epekto ng West Philippine Sea dispute sa mga mangingisda, food security

April 17, 2024



Anna Biala | eBoto.PH

Naipanalo ng Pilipinas ang kaso laban sa China noong 2016 nang ideklara ng international tribunal na labag sa batas ang territorial claims at mga aktibidad ng China sa West Philippine Sea. 


Pero tila walang pake ang China sa nasabing desisyon ng korte. Hanggang ngayon, patuloy ang paggawa ng artificial islands at pag-deploy pa sila ng coast guard vessels sa lugar.


Patuloy ang harassment laban sa mga Pinoy na mangingisda

Importante ang pagkakaroon ng soberanya sa West Philippine Sea (WPS) dahil isa itong mahalagang pangisdaan at pinagmumulan ng pagkain at kabuhayan ng mga Pilipino para sa kanilang ikabubuhay at kita. 


Pero ngayong taon pa lang, mayroon nang mga naitalang mga insidente ng panghaharang ng Chinese Coast Guard (CCG) vessels sa mga mangingisdang Pinoy.


Nitong January, isang miyembro ng Chinese Coast Guard ang humarang sa Pinoy fishing boat sa Scarborough Shoal. 


Pinigilan ang mga Pilipinong makaalis hangga’t hindi binabalik ng mga mangingisda sa dagat ang kanilang mga nakuhang sea shells.


Nitong February naman, naglagay ng floating barriers ang CCG sa paligid ng Scarborough Shoal para pigilan ang mga mangingisdang Pilipino na pumasok sa kanilang tradisyunal na pinangingisdaan.


Kabuhayan sa Scarborough Shoal, Apektado

Nasa mahigit 380,000 rehistradong mangingisdang Pinoy ang umaasa sa WPS para sa kanilang kabuhayan, ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).


Bago pumutok ang issue sa WPS, nasa 3 toneladang isda ang nakukuha sa Scarborough Shoal kada byahe rito. 


Pero ngayon, hindi na ganoon ka-produktibo ang pangingisda doon dahil sinira na ng China ang 16,353 acres ng coral reefs sa disputed waters at patuloy pa rin nilang hina-harass ang mga Pilipinong nangingisda sa lugar, ayon sa ulat ng Asia Maritime Transparency Initiative (AMTI).


Sa mga nakaraang dekada, tinataya ng local fishing groups na mahigit 600,000 na mangingisda ang nawalan ng kabuhayan dahil sa mga aktibidad ng China sa WPS.


Kaugnay ng limitadong access ng mga mangingisdang Pinoy sa fishing grounds sa WPS, bumaba ang fish stocks sa bansa, sabi ng United States Institute of Peace


Halimbawa, kumikita ang mga mangingisda sa Zambales ng P8,000 - P10,000 kada linggo. 


Ngayon, bumaba sa P2,000 - P3,000 kada linggo ang kanilang kita.


Imported na Galunggong?

Ayon sa United Nations Food and Agriculture Organization, isa ang Pilipinas sa mga pinaka-food-insecure na bansa sa Southeast Asia. 


Ibig sabihin, maraming mga Pilipino ang hindi nakakakain ng sapat o hindi regular na nakakakain ng masustansyang pagkain dahil sa kahirapan o kawalan ng access sa mga pagkain.


O diba, insecure na nga tayo sa pagkain, hinaharang pa ang access natin sa sarili nating yamang-dagat.


Isa ito sa mga dahilan kung bakit tayo umaasa ngayon sa pag-import ng mga isda tulad ng galunggong. 


Oo. Ang Pilipinas, isang archipelagic country na mayaman sa yamang-dagat, ay nag-iimport ng galunggong.


Kaugnay nito, nanawagan ang grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) na itigil na ng gobyerno ang fish importation


Sabi ng Pamalakaya, mahigit 250,000 metric tons ng isda tulad ng galunggong ang inimport sa bansa mula 2018 to 2023. 


Napaka-ironic pa nga dahil karamihan sa mga isdang ito ay galing sa China at Taiwan, na nangingisda rin sa mga karagatan ng Pilipinas.


Eh ano naman ang tugon ng gobyerno?

Sabi ng BFAR, mayroon silang P80 million livelihood project para sa mga mangingisda. 


Aabot sa 90% ng 385,300 na mangingisda sa WPS ang nakinabang na rito, ayon sa ahensya.


Dagdag ng BFAR, patuloy ang kanilang pagbibigay ng trainings, diesel, at drinking water sa mga mangingisda sa WPS.


“Poorly managed” na tulong sa mga mangingisda

Pero bagama’t nagpapasalamat ang mga mangingisda sa efforts ng gobyerno, “poorly managed” daw ang mga tulong na natanggap nila noon—tulad ng seaweed farming project na hindi naman swak sa tubig ng kanilang lugar, ayon sa isang report. 


Ang mga bangka naman na binigay sa mga mangingisda, hindi kaya ang mahahabang paglalayag.


Dahil sa kakulangan na ito, binuo ng mahigit 1,000 mangingisda sa Zambales at kalapit na probinsya ang Bigkis Fisherfolk Federation.


Nananawagan ang grupo na mas ipaglaban ng gobyerno ang ating karapatan sa sarili nating teritoryo. 


Sabi ng grupo, dapat magdeploy ng permanenteng Coast Guard vessels sa Scarborough Shoal, bukod pa sa pagbibigay ng ibang pangkabuhayan para sa mga mangingisda.


Hindi maikakaila ang pangangailangan ng mas aktibong pagtanggol ng gobyerno sa ating karapatan sa WPS, lalo’t patuloy ang mga pagsubok na kinakaharap ng ating mga mangingisda. 


Kailangang maging prayoridad ng gobyerno ang pagprotekta sa kanilang karapatan at kabuhayan dahil di lang hitik sa likas-yaman. 


At sa pamamagitan ng agarang aksyon, masisiguro ang seguridad at proteksyon ng ating mga mangingisda, na magbubunga rin ng mas maunlad na ekonomiya.


Ariel

Sep 04, 2024 05:12 pm

We stand for the WPS. Lahat ay nadadaan sa maayos na usapan. Sana ay makipagtulungan din ang China upang maresolba ang matagal ng pinagtatalunang teritoryong ito. If worst come to worst at nagdeklara na ng giyera ang China, may God bless our country. :(

Joselito

Apr 17, 2024 06:35 pm

Sana matapos na ang sigalot na dulot ng pag-atake ng China at pagkamkam sa WPS kasi marami na ang napipinsala nito at apektado na rin ang kabuhayan ng mga mangingisda.

Dianne Chelsie

Apr 17, 2024 06:39 pm

Dami na talagang nasisira ng pag-atake ng mga Chinese kaya dapat matigil na ito as soon as possible.

Edward

Apr 17, 2024 10:20 pm

Sana maipanalo ulit ng pilipinas, Wala ng magawa ung china kundi manira

Maria

Apr 18, 2024 09:03 am

Dapat gawin ng paraan ng makapangisda kahit may misunderstanding tungkol sa WPS

Page 1 of 7.8


eboto.ph