ICYMI: Hustisya sa Pilipinas, hindi pa rin nga ba patas?

January 31, 2023



Kamakailan lamang ay panandaliang pinalaya ng Korte Suprema ang dating chief of staff ni Juan Ponce Enrile na si Jessica Lucila Reyes.


Ang kanyang kaso? Mga alegasyon ng kanyang di-umano’y papel sa pork barrel scam kung saan nagkamal raw ng P172.8 million si Enrile mula kay Janet Lim Napoles. Ayon sa Korte, ang siyam na taon na pagkakakulong ni Reyes ay sobra sobra na raw dahil hanggang ngayon ay wala pa ring pinal na hatol sa kanyang kaso.


Ang desisyon na ito ay umani ng kritisismo sapagka’t ang pabor na binigay kay Reyes ay hindi nararanasan ng mga pangkaraniwang Pilipino na nakukulong sa ating mga piitan.


Ayon sa datos ng BJMP, higit sa anim sa bawat sampung Pilipinong nakakulong ay hindi pa tapos ang kaso o naghihintay pa ng desisyon ng hukuman. Marami nga sa kanila, matagal nang nakakulong na hindi man lang nakakakita ng korte.


Kung sisilipin natin ang pinapatupad sa bansa na International Covenant on Civil and Political Rights, hindi dapat nakukulong ang isang tao nang matagal kung wala silang kaso. Sinasabi rin dito na hindi dapat nakapiit sa selda ng sobrang tagal ang isang tao kung sila ay naghihintay pa rin ng hatol ng hukuman.


Bagkus, dapat ay sinisiguro ng pamahalaan na magpapakita sa hukom ang mga taong dapat dumalo sa trial ng kanilang mga kaso. Minsan, inaabot pa nga ng hanggang 15 years na nakakulong ang mga tao bago pa man sila mapalaya o mahatulan ng korte.


Sabi nga nila, “justice delayed is justice denied.” Hindi na rin natin maibabalik pa sa mga Pilipino ang naging epekto ng kanilang pagkakakulong. Ang nagpapalala sa nararanasan ng mga taong naiipit sa kulungan ay ang katakot-takot na kondisyon ng ating mga kulungan.


Nitong 2022 nga, 367% ang naitalang congestion rate ng mga piitan sa bansa. Ibig sabihin, halos apat na beses ng kapasidad ng kulungan ang pilit na pinagkakasya sa bawat selda. Ni hindi na nga sumasapat ang pondo ng mga detention center para pakainin ang bawat preso. Madalas pa sa mga nakakulong na mahirap, walang kakayahan magbayad ng piyansa.


Dahil rin nagsisiksikan na parang sardinas ang bawat preso sa piitan, napakabilis rin kumalat ng sakit sa mga kulungan, tulad ng tubercolosis, diarrhea, at sepsis. At dahil rin dito, madalas ay may tensyon sa mga nakakulong.


Sinong madalas na biktima rito?


Mga mahihirap. Ito’y dahil kulang ang kanilang kakayahan para magbayad ng piyansa at kumuha ng abogado. Karamihan sa kanila ay naiipit sa ating sistema ng hustisya. Pilit rin silang ipinagkakasya sa mga masisikip na kulungan, tinatanggalan ng kalayaan, na hindi man lang nakakatikim ng hustisya.


Anne

Mar 24, 2023 06:10 pm

opo. hindi parin sila patas dahil iba iba ang kanilang tingin sa mga kapwa ang mga may pera o may kaya lang ang kanilang iniimporta

Patrick

Mar 25, 2023 07:00 am

malaki parin ang diperensya ang hustisya dito sa pilipinas dahil kung wala kang pera ay di ka nila bibigyang pansin

ROSALY ANN

Mar 26, 2023 01:45 am

Kailan kaya mag kakaroon ng equality at equity pag dating sa ating batas

Mary Ann

Mar 27, 2023 11:22 pm

Ito ang hirap, kapag walang pantay pantay na pagtingin at pagtrato hindi maganda ang kalalabasan at talaga namang walang magandang dulot.

Miguel Enrico

Mar 28, 2023 11:37 am

sa panahon ngayun dulad parin ng dati na ang hustisya ay para lang sa mayayaman tulad sa kantang tatsulok

Page 1 of 13.6


eboto.ph