Balita ng “People’s Initiative”, Para sa Mga Tao Nga ba?

January 17, 2024



Nakita mo na ba ang pinapaikot na petisyon bara-barangay? Nabalitaan natin kailan lang na may mga taong gustong bawiin ang pirma nila. Bakit kaya?

Ang demokrasya, hindi natatapos sa halalan.

Pwede kang mag-ambag sa bawat polisiya at desisyon ng gobyerno. Kinokonsulta tayo bago magpatupad ng bagong ordinansa sa komunidad. Protektado ang ating karapatan magpahayag ng saloobin tungkol sa kahit sinong opisyal ng pamahalaan.

Sinisiguro ng tunay na demokrasya na mai-impluwensyahan natin ang takbo ng gobyerno. Pare-pareho ang halaga at timbang ng boses natin—hindi kay Senator, Congressman, o kahit kay Mr. President pa ‘yan.

Dahil kung tutuusin, sino nga ba ang nagluluklok sa kanila sa pwesto?

TAYO. At patunay ito na ganun kahalaga ang boses at boto natin.

Ano ba ang People’s Initiative?

Siniguro ng Konstitusyon na kung hindi makikinig ang mga nakaupong opisyal sa boses natin, pwedeng tayo na mismo bilang taumbayan ang magsulong ng pagbabago sa Konstitusyon.

Isipin mo, ‘di mo na kailangan maging Senador or miyembro ng Kamara. Ang kailangan mo lang gawin, makiisa sa pagmumungkahi ng pagbabago. Ito ang “People’s Initiative.”

Pero sa ngayon, kabi-kabila ang nagkalat ang chismis na nagbabayad pa raw ng P100 ang ilang opisyal para sa pirma, o nangangako ng ayuda.

Totoo man o hindi ang chismis, patunay lang ito na dapat maging mas mapagmasid ang bawat isa sa atin. Kanino ba talaga galing ang mga umiikot na papel na pinapipirmahan sa’tin? Anong intensyon nila? At para ba talaga sa tao ito?

Ang Kahulugan ng Kasalukuyang Petisyon

Kung nakita mo na ang petisyon, nakasaad ditong nais nilang baguhin ang Article XVII ng 1987 Constitution.



Litrato ng pinapaikot na petisyon.

Himayin natin. Anong ibig sabihin nito?

“The Congress, upon a vote of three-fourths of all its Members…”

Para magsulong ng pagbabago sa Konstitusyon, kailangan ng majority vote mula sa mga miyembro ng House of Representatives at Senado. Ang magiging bilang ng majority ay ¾ ng lahat ng kasali sa botohan.

“... VOTING JOINTLY…”

Sa “joint voting”, pagsasamahin ang boto ng Senado at House of Representatives. Ang bilang, one person, one vote. At ito rin ang mismong dahilan kaya tinutuligsa ang petisyon.

May 315 members ang House of Representatives, at 24 naman sa Senado. Kung pantay nang bibilangin ang mga boto nila, lalo na sa usapan kung ano ang mga dapat palitan sa Konstitusyon, ‘di hamak na mawawalan ng timbang ang boses ng Senado.

Pero bakit ito mahalaga?

Balikan natin ang diwa ng demokrasya. Layon nitong siguruhin na pantay-pantay ang boses ng lahat.

Dahil pag may nakakalamang, may makakaabuso. At kung gugustuhin ng kahit sinong magsulong ng pagbabago na hindi para sa tao, mahihirapan tayong tumutol. ‘Yan ang peligro kung bibigyan natin sila ng mas malakas pang boses kaysa sa’tin.

Anong Dapat Gawin?

Simple lang ang mga hakbang na pwede mong gawin para masigurong hindi ka mabibiktima ng nananamantala.
  • “PARA SAAN ITO?” - Siguruhing naiintindihan mo ang pipirmahan mo, lalo na ang mga kahihinatnan ng magiging desisyon mo. Para ba ‘yan sa ikabubuti ng lahat? Kung matutupad ang petisyon, ano kaya ang mga posibleng maging epekto nito sa estado ng buhay natin? Sa pagpapatakbo ng gobyerno?
  • “ALAM KO NA BA ITO?” - Lapitan mo ang mga kakilala mong hindi pa pumipirma at pinapapirma pa sa petisyon. Naiintindihan kaya nila ang ibig sabihin ng pinipirmahan nila? Alin sa petisyon ang hindi ipinaliwanag sa kanila? Sa magalang na paraan, ibahagi mo sa iba kung ano ang pagkakaintindi mo sa petisyon.
  • “TEKA… BAKIT?” - Maging mas mausisa. Kung hindi pinaliwanag sa iyo ang ibig sabihin ng petisyon, isipin mo: Bakit kaya? Pinangakuan ka ng ayuda at pera para sa pirma mo, tingin mo: Ano kaya ang dahilan?
Tulad ng nabanggit, ang demokrasya ay hindi natatapos sa halalan. Binubuhay ito ng araw-araw nating pagpili sa bayan.

Maiging ipaintindi rin sa iba na higit pa sa simpleng guhit ng tinta ang kahulugan ng pagpirma nila.

Dave Nataniel

Jan 18, 2024 10:45 am

Dapat maging mapanuri ang mga tao at siguraduhing binabasa ang mga pinipirmahan. Duda ako na ang mga ito ay para sa mga nakararami kundi para lamang sa iilan.

Maria

Jan 29, 2024 10:34 pm

Karapatan ng People's Initiative dapat ipaglaban at alamin ang tama, huwag tatanggap ng anuman at pera

Junvell

Feb 01, 2024 08:40 pm

dapat ipaalam sa lahat kung ano ba talaga ang magagawa nito sa bansa

jesmarwin

Feb 09, 2024 11:03 pm

Sana maipatupad din sa bansa ang mandatory military training educated or not educated. Fair lahat. Para di tayo sinisino lang ng China 🤗

Drefzazzen

Feb 16, 2024 09:45 am

Kaya dapat laging maging mapanuri dapat ipa alam sa lahat ang halaga nito

Page 1 of 10


eboto.ph