Ano ang sistema ng pagbuo ng national budget ng gobyerno?

December 13, 2024



DIGI-KNOW na may apat na hakbang na pinagdadaanan ang proposed budget ng bawat ahensya ng gobyerno bago ito maaprubahan? Sa bawat hakbang na ito, masusing pagsusuri at pagpupulong ang ginagawa upang siguruhin naaayon ang budget na nakalaan para sa serbisyo ng gobyerno sa atin.

Sa kabila nito, tila mainit pa ring usapin ngayon ang national budget. Paano nga ba ito binubuo?

 

Ang national budget, sa madaling salita, ay ang pagkakagastusan ng pamahalaan gamit ang buwis ng mga mamamayan. Ang proseso ng pagbuo ng national budget ay tinatawag na Philippine Budget Process at binubuo ito ng apat (4) na phases: (1) Budget Preparation, (2) Budget Legislation, (3) Budget Execution, at (4) Budget Accountability.

 

Step 1

STEP 1: Budget Call & Budget Proposals (Budget Preparation)

Nakasaad sa 1987 Constitution na kailangan isumite ng Pangulo ang budget 30 araw mula sa pagbubukas ng bawat regular na sesyon ng Kongreso.

Nagsisimula ang phase ng Budget Preparation sa pamamagitan ng Budget Call mula sa Department of Budget and Management (DBM), na ginagawa ng Development Budget Coordinating Committee (DBCC).

Ang Budget Call na ito ay ginagamit bilang gabay ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Naglalaman ito ng mga budget policy at technical guidelines, mga pamamaraan upang matulungan ang mga ahensya sa paghahanda at pagsusumite ng kanilang mga budget proposals.

May preskripsyon din na ibibigay ang Budget Call ukol sa mga priority thrusts ng administrasyon, mga budget levels, at timetable para sa budget preparation.

Matapos ang pagbibigay ng Budget Call, ang bawat ahensya ng pamahalaan ay magbibigay ng kani-kanilang Agency Budget Proposals (ABP) ukol sa mga programa, proyekto, at mga aktibidad, gamit ang gabay mula sa Budget Call, at isusumite ito sa DBM.

Magsasagawa ng budget hearings ang DBM upang i-justify ng bawat ahensya ang kanilang mga ABP sa harap ng DBM technical panels.

Matapos ang DBM budget hearings at approval mula sa DBCC, isusumite ito para sa review at approval ng Pangulo at ng kanyang gabinete. Matapos ang kanilang approval, isusumite na ito sa Kongreso.

 

Step 2

STEP 2: Hearings & Approvals (Budget Legislation)

Ang pagpasa ng proposed budget ng Pangulo sa Kongreso ay tinatawag din na Budget Authorization phase, dahil nasa kanila ang “power of the purse” na nakasaad sa Konstitusyon.

Naglalaman ng apat na pangunahing dokumento ang proposed budget ng Pangulo: ang Budget Expenditure and Sources of Financing (BESF), National Expenditure Program (NEP), at ang President’s Budget Message na naglalaman ng mga priorities ng administrasyon.

Sa Budget Legislation, bubusisiin ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang proposed budget.

Mauuna ang House of Representatives (HoR) sa pag-review nito sa kanilang budget hearings, na dadaluhan ng bawat departamento at ahensya ng gobyerno. Ang mga hearings ay isinasagawa ng Appropriations Committee at iba pang subcommittees ng HoR.

Magkahiwalay namang gaganapin ang budget hearings sa Senado, kung saan ang Senate Finance Committee at iba pang Senate subcommittees ang magre-review ng mga proposal ng bawat departamento at ahensya.

Ang mga proposals at amendments sa General Appropriations Bill (GAB) ang magiging produkto ng mga budget hearings sa dalawang kapulungan ng Kongreso.

Bilang una sa budget hearing, isusumite ng HoR ang GAB sa Senado para sa kanilang proposals at amendments. Bilang resulta nito, gagawa ang Senado ng kanilang sariling GAB.

Ipaghahabi ng dalawang kapulungan ang mga pagkakaiba sa kani-kanilang GAB sa isang bicameral conference.

Pagkatapos itong ma-finalize, aaprubahan ito ng Kongreso at isusumite para sa pirma ng Pangulo. Ito ay magiging General Appropriations Act (GAA) para sa taon.

Ayon sa Konstitusyon, kung hindi makapagpasa ng General Appropriations Bill ang Kongreso, ang GAA ng nakaraang taon ay ituturing na "reenacted" at mananatili itong may bisa hanggang maipasa ang bagong General Appropriations Bill.

 

Step 3

STEP 3: Release (Budget Execution)

Nagsisimula ang Budget Execution sa pagrerelease ng pondo sa mga ahensya batay sa GAA.

Ito ang pangunahing tungkulin ng DBM at binubuo ng apat (4) na hakbang:

  1. Paglalabas ng mga program at guidelines ng DBM sa pagrerelease ng pondo.
  2. Ang Allotment and Cash Release Program (ARP) at Cash Release Program (CRP) na naglalagay ng mga limitasyon sa mga allotments ng mga ahensya at nag-aayos ng monthly, quarterly, at annual disbursement levels.
  3. Pagrerelease ng mga allotments.
  4. Pag-iisyu ng disbursement authority na layuning i-settle ang mga obligasyon ng mga ahensya.

 

Last Step

LAST STEP: Checks, Reports, and Audits (Budget Accountability)

Bilang huling phase ng national budget, ang budget accountability ay naglalayong tiyakin ang tamang paggastos ng mga na-allocate na pondo.

Sa prosesong ito, ina-assess ng DBM ang performance ng mga ahensya ayon sa nakaraang fiscal year. Ine-evaluate ito batay sa: (1) performance targets and outcomes; (2) budget accountability reports; (3) review of agency performance; at (4) audit na isinasagawa ng Commission on Audit (COA).

Kahit na ang mga prosesong ito ay nakatuon sa mga sangay at ahensya ng gobyerno, ang pakikilahok ng bawat mamamayan ay kritikal upang maging responsable at wasto ang budget allotments bawat taon.

Sa pamamagitan ng pakikipag-diyalogo sa inyong mga representante sa Kongreso, mga payapang pagpupulong, at iba pang paraan, maaari nating ipahayag ang ating mga opinyon ukol sa paghawak at proseso ng ating national budget.

Tandaan, ang soberanya, pati na ang awtoridad ng pamahalaan, ay nagmumula sa sambayanan. Pera ng sambayanan ang nasa “purse” na ito.

 

Ang artcard header ay nilikha gamit ang artificial intelligence.

Ariel

Dec 17, 2024 11:38 am

Sa aking palagay ay hindi pa. Mas makakabuti kung may direktang partisipasyon sa bawat representative ng sektor ng lipunan.

Ralyn

Dec 19, 2024 01:21 pm

Hindi pa ito sapat plagi nlang nagkakaroon ng problema

Acel

Dec 29, 2024 10:09 am

Hindi pa ito sapat dahil marami pa rin ang tiwaling mga opisyal sa mga nakaraan at kasalukuyang administrayon.

Riza

Dec 29, 2024 10:04 pm

Kung ang namumuno ay may sapat na kakayahan at kayang palaganapin ang mga batas ay sasagana din ang ating bansa

Page 1 of 1


eboto.ph