
Ayon sa isang Facebook post, mapapababa umano ng oil deal sa pagitan ni Presumptive President Bongbong Marcos at Russia ang presyo ng gasolina sa Pilipinas. Ito ay kulang sa konteksto.
Hindi lamang pag-import ng supply ng langis ang nagpapasya sa presyo ng gasolina. Malaking factor ang TRAIN Law ng administrasyong Duterte, digmaang Ukraine at Russia, at global oil market na nagdidikta ng presyo ng langis.
TRAIN Law at presyo ng langis
Bukod sa digmaan, malaking factor ang buwis na ipinapataw sa langis na nagpapasya sa presyo nito. Noong Disyembre 2017, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 10963 o mas kilala sa pangalang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN). Nagpataw ito ng dagdag na buwis sa petrolyo at iba pang sources ng fuel kada litro.
Sa isang fact-sheet, sinigurado ng Department of Finance na hindi lubos na tataas ang presyo ng pamasahe at bilihin bunga ng TRAIN law. Sa pamamagitan ng batas, may kapangyarihan ang DOF na pigilan ang pagtaas ng presyo ng petrolyo kung ito ay lalagpas sa $80 kada barrel. Ang kasalukuyang presyo ng krudo ay nasa $109.28 ngayong Hunyo 20.
“Our proposed tax reform program will improve the lives of Filipinos, especially the poor… Through our proposal, Filipinos will contribute based on their capacity to pay,” ayon sa DOF.
Samantala, umapela ang gobyerno na manatili sa pamamasada ang mga tsuper ng mga jeep. Ang ilan sa mga ito ay halos hindi na mapakain ang kanilang mga sarili bunga ng gastos sa gasolina.
Noong Marso, idineklarang hindi bababa sa 1.3 milyong Pilipino ang nasasadlak sa kahirapan bunga ng oil crisis, ani Joey Salceda, Chairman ng House Ways and Means Committee.
Deciding factors ng presyo ng gasolina
Samu’t sari ang mga kadahilanan na nagpapasya ng presyo ng gasolina, hindi lamang sa lokal na merkado ng Pilipinas, kundi sa buong daigdig na rin. Apektado ng factors na pumapalibot sa global oil market ang lokal na presyo ng krudong langis. Mayroong apat na pangunahing factors na nagdidikta ng presyo nito: supply at demand, gastos sa produksyon, market sentiment, at geopolitical events.
Ayon sa law of supply and demand, habang tumataas ang demand para sa langis o nababawasan ang supply nito, tumataas ang presyo; kapag naman tumaas ang supply, o nababawasan ang demand, bumababa ang presyo nito. Bago ito ibenta sa mga gasolinahan, dumadaan muna ang langis sa proseso ng produksyon. Dumadagdag din ito sa pangkabuuang presyo ng retail na gasolina.
Apektado ng international factors ang presyo ng langis sa lokal na merkado ayon sa Department of Energy, at dahil dito ay nagkakaroon ng palagiang price adjustments sa retail price ng gasolina.
Digmaan sa Ukraine at oil import ban
Bukod sa supply, demand, at produksyon, ginagabayan din ng sentimyento ng pandaigdigang merkado na nakabatay sa geopolitical factors ang presyo ng krudo. Isa sa mga pangunahing dahilan ng pagtaas ng presyo ng langis sa buong daigdig kamakailan ay ang digmaan sa pagitan ng Ukraine at Russia ngayong 2022. Noong Pebrero 21, 2022, nagpataw ng sanctions ang mga bansang miyembro ng North Atlantic Treaty Organization (NATO) sa pangunguna ng US at ang ilang mga miyembro ng European Union sa Russia. Bahagi ng sunod-sunod na sanctions na ito ang pag-ban ng US sa pag-import ng krudo. Sumunod rin ang ilang mga bansa sa pag-ban ng import ng langis mula sa Russia.
Ang epekto ng mga sanctions na ito sa pandaigdigan at mga lokal na merkado ay ang pagtaas ng presyo ng langis habang naghahanap ang mga kumpanya ng gasolina ng alternatibong mapagkukunan ng enerhiya labas sa Russia. Ito ay isang praktikal na ehemplo ng pagtaas ng presyo ng gasolina dahil sa sintetikong pagpapababa ng supply buhat ng digmaan. Tinataya ng Department of Energy na aabot sa higit P100 kada litro ang gasolina kung aabot sa $200 per barrel ang presyo ng langis buhat ng sanctions sa Russia.
Marcos-Russia oil deal
Ayon sa isang Wall Street Journal report, aminado si Russian President Vladimir Putin na apektado ang ekonomiya ng Russia sa mga sanction kontra sa kanilang tangkang pagsakop sa Ukraine, at magsasagawa ito ng reorientation mula Europa patungong Asya sa pagbenta sa krudo at gasolina.
Sa kabila ng mabilis na pagtaas ng presyo ng krudo matapos magsimula ang digmaan sa Europa, iginiit ni DOE Secretary Alfonso Cusi noong Marso 9 na may sapat na supply ng langis ang bansa, sapagkat ayon dito ay nanggagaling ang bulto ng supply nito sa Middle East. Inamin naman nitong apektado ang bansa sa pandaigdigang trend sa merkado ng langis. Samantala, patuloy hanggang sa araw na ito ang regular na pagtaas sa presyo ng gasolina.
Noong Hunyo 13, tinagpo ni President-elect Marcos si Russian Ambassador to the Philippines Marat Pavlov. Pinag-usapan ng mga ito ang tatalakaying ‘pagtulong’ at ‘cooperation’ ng Russia sa Pilipinas sa panibagong source ng enerhiya, kabilang ang krudo. Ayon sa Economic Times, ito ay hakbang ng Russia buhat ng pangangailangan nitong maghanap ng mga mag-i-import ng kanilang energy resources.
SOURCES
[1] https://www.eia.gov/energyexplained/gasoline/factors-affecting-gasoline-prices.php
[2] https://taxreform.dof.gov.ph/news_and_updates/the-tax-reform-for-acceleration-and-inclusion-train-act/
[3] https://www.lawphil.net/statutes/repacts/ra2017/ra_10963_2017.html
[4] https://taxreform.dof.gov.ph/tax-reform-packages/p1-train/train-tax-myths/
[5] https://legacy.senate.gov.ph/press_release/2022/0308_drilon1.asp#:~:text=%22The%20intention%20of%20the%20TRAIN,the%20law%2C%22%20Drilon%20said.
[6] https://www.philstar.com/headlines/2022/06/06/2186496/palace-urges-jeepney-drivers-stay-road-promises-help-gas-prices
[7] http://davaotoday.com/main/economy/taxi-jeepney-drivers-can-barely-feed-families-over-oil-price-hike/
[8] https://businessmirror.com.ph/2022/03/10/oil-crisis-sent-1-3-million-more-people-into-poverty-salceda-estimates/
[9] https://www.investopedia.com/articles/economics/08/determining-oil-prices.asp
[10] https://abcnews.go.com/Business/supply-demand-geopolitical-tensions-oil-prices-rise/story?id=65640000
[11] https://www.imf.org/external/pubs/ft/fandd/basics/suppdem.htm
[12] https://www.eia.gov/energyexplained/oil-and-petroleum-products/refining-crude-oil-the-refining-process.php
[13] https://www.doe.gov.ph/oil-monitor?q=oil-monitor
[14] https://www.investopedia.com/articles/investing/072515/top-factors-reports-affect-price-oil.asp
[15] https://www.aljazeera.com/news/2022/2/24/putin-orders-military-operations-in-eastern-ukraine-as-un-meets
[16] https://www.piie.com/blogs/realtime-economic-issues-watch/russias-war-ukraine-sanctions-timeline
[17] https://www.consilium.europa.eu/en/press/press-releases/2022/02/21/ukraine-s-territorial-integrity-eu-targets-five-more-individuals-with-restrictive-measures/
[18] https://www.whitehouse.gov/briefing-room/statements-releases/2022/03/08/fact-sheet-united-states-bans-imports-of-russian-oil-liquefied-natural-gas-and-coal/
[19] https://www.oxfordenergy.org/publications/russia-ukraine-crisis-implications-for-global-oil-markets/
[20] https://www.weforum.org/agenda/2022/03/how-does-the-war-in-ukraine-affect-oil-prices/
[21] https://business.inquirer.net/342837/ph-to-be-pummeled-by-russia-oil-ban
[22] https://www.wsj.com/articles/putin-admits-western-sanctions-have-disrupted-russian-oil-industry-11649945252
[23] https://www.pna.gov.ph/articles/1169201
[24] https://tradingeconomics.com/philippines/gasoline-prices
[25] https://www.philstar.com/headlines/2022/06/13/2188082/russia-says-ready-cooperate-philippines-oil-energy-supply
[26] https://economictimes.indiatimes.com/news/international/world-news/russia-is-running-out-of-oil-customers/articleshow/89999760.cms
Aaron
Mar 25, 2023 02:36 am
sana mangyari ito agad sa mas mabilis na panahon para bumaba nadin ang pamasahe lalo na at karamihan sa mga mag aaral ay ang pangunahing transportasyon nila ay ang jeep
Jade
Jun 07, 2023 08:39 pm
Sana ay mapabilis ang pag iimport nila ng mababang presyo ng Gasolina dito sating Bansa lalo na at araw araw tayong gumagamit ng mga pang transportasyon na sasakyan at malaking tulong din ito sating mga jeepney driver at mga tricyle driver dahil bumaba ang presyo ng Gasolina ay siguradong bababa din ang Pamasahe
Naitan
Jul 15, 2023 11:04 pm
ayos ito magandang balita ito para sating Bansa mabuti nalang at magaling makipag usap at makipag kasundo ang ating pangulong BBM at nagkaroon ng magandang kasunduan sa pagitan ng ating Bansa at Russia
Aaron
Oct 31, 2023 09:10 pm
sa kasalukuyang panahon ay mababa na ang presyo ng langis hindi gaya ng dati na sobrang mahal
Jemma
Nov 03, 2023 02:54 pm
Maganda po talaga kung mapag kakasunduan at usapan nila ito para mapababa ang Presyo dahil sa nangyayaring gulo sa Russia ay napaka mahal ng presyo ng Gasolina
Page 1 of 7.8