Hindi maaaring ihalintulad ang chismis sa kasaysayan sapagkat hindi ito ginagabayan ng agham at pag-aaral. Ito ay matapos igiit ng aktres na si Ella Cruz ang paghahalintulad nito sa kasaysayan at ‘chismis’ o sabi-sabi. Ayon sa mga eksperto sa larangang ito, ang kasaysayan at ang pag-aaral hinggil dito ay ginagamitan ng agham at metodolohiya sa pagsusuri upang maihiwalay ang kasinungalingan sa katotohanan.
Kaiba sa chismis o kuwento-kwento, ang kasaysayan ay pinag-aaralan, beripikado, patas ang presentasyon, at nakabubuti para sa nakararami. Basahin ang 4-way test ng e-Boto upang salain ang kasaysayan mula sa tsismis: facebook.com/eBotoPH/posts/179825791151130/
‘History is like chismis’
Naging mainit na usapan sa social media ang pahayag ng aktres na si Cruz matapos itong batikusin ng mga netizen. Sa isang panayam sa kaniya hinggil sa mga natutunan nito habang nagtatrabaho bilang aktres sa darating na pelikulang pinamagatang ‘Maid in Malacañang,” ipinunto ni Cruz na ang kasaysayan umano ay parang chismis.
“It is filtered and dagdag na rin, so, hindi natin alam what is the real history. Andoon na iyong idea, pero may mga bias talaga,” ika nito. Si Cruz ay tatayo bilang batang Irene Marcos, anak ng napatalsik na diktador na si Ferdinand Marcos, Sr. sa pelikula ng pro-Marcos influencer na si Darryl Yap.
Sa isang video kasama si Senador Imee Marcos, pinanindigan ni Cruz ang kaniyang pahayag. “Totoo naman na ang kasaysayan ay tsismis na napatunayan dahil sa ebidensiya at sa research,” sabi nito.
Anong sabi ng mga historyador?
Agaran namang sinagot ni Ambeth Ocampo, isang historyador na ginawaran ng Fukuoka Prize at Order of Lakandula, ang panayam ni Cruz. Ayon dito, maaring mayroong kinikilingan ang kasaysayan ngunit hindi dapat malito sa pagkakaiba nito sa chismis. “Real History is about Truth, not lies, not fiction,” sabi nito sa isang post sa Facebook.
Isinaad naman ng historyador na si Xiao Chua na ang biases sa pag-aaral ng kasaysayan ay nababawasan sa pamamagitan ng mapanuring metodolohiya. Ayon sa kaniya, hindi kuwento ang kasaysayan. "Ang kasaysayan ay hindi basta-basta kuwento, meron itong metodo, magtanong, mag-imbestiga at magkumpara,” ani Chua.
Ayon naman sa historyador na si Alvin Campomanes, may limitasyon sa pag-aaral ng kasaysayan ang mga bagay na dapat tanggapin bilang katotohanan at kasinungalingan. “We are entitled to our own opinions but we are not entitled to our own facts. Kung taliwas sa ebidensyang historikal, kung tahasang kasinungalingan, tungkulin nating tuligsain ito,” sabi nito.
Historical distortion at revisionism
Ang historical revisionism, o historical distortion, sa konteksto ng Pilipinas, ay tumutukoy sa pagbabaluktot ng mga dokumentadong katotohanan na isinasagawa ng pamilyang Marcos upang maging paborable ang opinyong pampubliko sa mga ito, na taliwas sa aktwal na kasaysayan.
Pinakatalamak sa “outright lies” o pawang kasinungalingan na iginigiit ng mga promotor ng historical revisionism ay ang sinasabing “Golden Age” ng ekonomiya noong panahon ng diktador na si Marcos kung saan tinatayang $10-Bilyon ang ninakaw sa kaban ng bayan at lumobo ang utang panlabas ng bansa mula $8.2-Bilyon hanggang $26-Bilyon.
Ayon naman kay Ocampo, mas naaayong tawaging “historical distortion o denialism” ang pagbabaluktot ng mga Marcos sa kasaysayan, sapagkat aniya, ang pagrerebisa sa kasaysayan ay dapat umaayon sa katotohanan.
Sa isang report ng Rappler, isinaad nito na ang pag-atake sa mga mananaliksik ng kasaysayan ay isang gawaing sentral umano sa disinformation network ng mga Marcos.
SOURCES
[1] https://www.facebook.com/eBotoPH/posts/179825791151130/
[2] https://manilastandard.net/showbitz/celebrity-profiles/314241337/actress-ella-cruzs-history-is-tsismis-comment-draws-flak-from-netizens.html
[3] https://philstarlife.com/celebrity/771030-ella-cruz-marcos-film-maid-in-malacanang-history-tsismis
[4] https://www.philstar.com/entertainment/2022/07/02/2192360/ella-cruz-plays-member-first-family-film
[5] https://mb.com.ph/2022/06/23/darryl-yap-unveils-official-film-poster-of-maid-in-malacanang/
[6] https://mb.com.ph/2022/07/10/ella-cruz-asks-sen-imee-marcos-mali-po-ba-yung-history-is-like-tsismis/
[7] https://lifestyle.inquirer.net/239356/ambeth-ocampo-only-the-fifth-filipino-to-win-fukuoka-prize/
[8] https://www.philstar.com/lifestyle/arts-and-culture/2010/08/23/604954/ambeth-ocampo-conferred-order-lakandula
[9] https://www.rappler.com/nation/historian-ambeth-ocampo-mobbed-ferdinand-marcos-influencers/
[10] https://www.manilatimes.net/2022/07/05/opinion/columns/chismis-and-history/1849750
[11] https://www.facebook.com/sircamp/posts/10160255093861913
[12] https://factsfirstph-partners.rappler.com/4019/fact-check-rallyists-raided-malacanang-edsa-revolution-carrying-torches/
[13] https://www.facebook.com/wilfredo.garrido.14/posts/1154841345364610
[14] https://observatory.tec.mx/edu-news/historical-revisionism
[15] https://www.mironline.ca/forgetting-ferdinand-marcos-the-dangers-of-historical-revisionism/
[16] https://www.ucanews.com/news/fear-of-historical-revisionism-in-the-philippines/97303
[17] https://www.straitstimes.com/asia/se-asia/philippine-govt-faces-backlash-amid-claims-that-it-is-trying-to-whitewash-history-of
[18] https://www.cnnphilippines.com/news/2022/5/19/Marcos-historical-distortion.html
Jade
Jun 07, 2023 12:42 pm
Lahat tayo ay may ibat ibang opinyon at nirerespeto ko ang sinabi ni Ms Ella Cruz Ngunit hindi maaaring ikumpara ang Historu sa Chismis dahil ang Ito ay isang disiplinadong larangan na may layunin na makapagbigay ng kaalaman at pang unawa sa nakaraan na nakabubuti sa marami sa kabilang banda ang chismis ay pawang sabisabi lamang o walang batayan at hindi napapatunayang totoo
Naitan
Jun 26, 2023 10:14 pm
agree ako dito dahil ang kasaysayan ay gawa sa tunay na pangyayari at ang chismis ay gawa gawa lamang ng mga taong chismoso at chismosa na hindi totoong kwento
Aaron
Nov 01, 2023 12:25 am
lahat naman tayo ay may ibat ibang pananaw dito
Jemma
Nov 03, 2023 03:19 pm
Tama hindi naman ito maaring ihalintulad ang chismis sa kasaysayan dahil ang kasaysayan ay mahalaga at ang chismis ay hindi mahalaga at hindi totoo minsan ang nasa chismis dahil Fakenews lang
Rpie
Nov 05, 2023 08:48 pm
lahat tayo may Sara sariling opinion dapat respetuhin nalang pero dapat ay wag I kumpara ang chismis sa kasaysayan
Page 1 of 7.4