FALSE: Bagong P1,000 polymer bill, hindi tinatanggap sa SM Supermalls kapag may tupi?

July 19, 2022



  • Tumatanggap pa rin ng P1,000 polymer bills na may tupi ang SM Supermalls
  • Ayon sa BSP, ang maaari lang na hindi tanggapin ay pera na sadyang sira-sira at may marka o sulat.
  • Nananawagan si Sen. Pimentel sa BSP na isuspinde ang paggawa ng polymer bills


(2 min. read) – Ayon sa viral post ng isang netizen, bawal itupi ang bagong P1,000 polymer bill matapos itong hindi tanggapin bilang pambayad sa isang SM Supermall branch.

Ano ang pagkakaiba ng banknote na polymer sa abaka?

Inilunsad ng BSP ang polymer bill na may bagong disenyo noong Abril ng taon na ito. Ang polymer banknote ay sinasabing mas matibay kumpara sa lumang pera na gawa sa abaka. Ayon sa BSP, mas maikli ang itatagal ng virus sa polymer bill at ito rin ay may seguridad na kontra sa pamemeke. 

SM Supermalls, tumatanggap pa rin ng nakatuping P1000 polymer bill 

Sa pahayag ng SM Supermalls, tinawag nilang “misleading” ang kumalat na post at sinabing tumatanggap pa rin sila ng P1,000 polymer bills na may tupi sa kanilang retail stores. Ang perang sira-sira, may butas o may punit mula sa staple wire lamang ang hindi nila tatanggapin. Ito raw ay nakabatay sa patakaran ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). 

Opisyal na pahayag ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP)

Sa paglilinaw ng BSP, maaari pa ring gamitin na pambayad ang perang papel o polymer bill na may tupi. Dapat din itong tanggapin sa mga transaksyon ng retailers at bangko. Iginiit ng BSP na ang unang patakaran na inilabas ay para lamang mabigyan ng kamalayan ang publiko sa wastong paggamit sa bagong polymer banknote. Kabilang dito ang pag-iwas sa labis na paglukot o pagtupi, pagdidikit, at paglalagay ng sulat o marka. Dagdag dito, ang pera na may staple wire ay dapat pa ring tanggapin bagaman hindi inirerekomenda ng BSP. Pinapaalala ng BSP na ang sadyang pagsira ng pera, papel man o polymer, ay may karampatang parusa alinsunod sa Presidential Decree No. 247 na inilathala noong 1973.

Sen. Pimentel, hinimok ang Senado na imbestigahan ang BSP

Kasunod ng viral post na ito, nanawagan si Sen. Koko Pimentel sa BSP na isuspinde ang paggawa ng P1,000 polymer bills. Iginiit niya na ang paglabas ng polymer banknote ay “impraktikal” sa gitna ng mga patong-patong na reklamo ng publiko.

Hinimok ni Sen. Pimentel ang Senado na maglunsad ng imbestigasyon laban sa BSP sa biglaang pagbabago ng disenyo ng mga banknote at barya. Kaniya ring ikinatwiran na ang paggamit ng polymer bilang pangunahing produkto sa paggawa ng banknote ay maaaring magkaroon ng negatibong epekto sa ating lokal na industriya ng abaka.


SOURCES:
[1] https://newsinfo.inquirer.net/1626086/social-media-post-on-rejected-p1000-polymer-banknote-goes-viral
[2] https://www.pna.gov.ph/articles/1171715
[3] https://newsinfo.inquirer.net/1586723/bsp-new-p1000-bill-worth-only-p1000
[4] https://www.facebook.com/smsupermalls/posts/5333847079994813
[5] https://www.bsp.gov.ph/SitePages/MediaAndResearch/MediaDisp.aspx?ItemId=6362
[6] https://www.bworldonline.com/banking-finance/2022/07/13/460802/folded-paper-or-polymer-banknotes-are-valid-bsp/
[7] https://www.facebook.com/BangkoSentralngPilipinas/posts/395152812647232
[8] https://newsinfo.inquirer.net/1630177/bsp-stapled-banknotes-still-acceptable
[9] https://www.officialgazette.gov.ph/1973/07/18/presidential-decree-no-247-s-1973/
[10] https://www.cnnphilippines.com/news/2022/7/12/Pimentel-asks-BSP-to-stop-issuance-1000-polymer-bills.html
[11] https://www.gmanetwork.com/news/topstories/nation/837941/pimentel-wants-probe-on-impractical-p1k-polymer-bills/story/
[12] https://mb.com.ph/2022/07/13/pimentel-urges-senate-to-probe-bsp-for-impractical-p1000-polymer-banknote/


Aaron

Mar 25, 2023 07:42 am

nag labas ng statement ang BSP na pwedeng tangapin ang bagong 1k bill kahit may tupi

Jerwin

Apr 01, 2023 11:28 pm

Madaming disadvantages ang pabago-bagong itsura ng Philippine banknote isa rin ito sa nga pinoproblema ng mga tao dahil sam ga nakakalito nitong kulay at disenyo. Bilang mamamayan kailangan natin bigyan ng halaga at ingat ang mga banknotes , tayo rin kasi ang kasalan kung bakit nasisira ang mga ito, pero sa kasalukuyang issue hinggil dito, dapat parin tanggapin ang mga may tuping except sa mga may sira na at kinakailangan ng idispose.

Rhea ann

Jun 03, 2023 03:36 pm

tanggapin nalang sana nila ang pera kahit tupi, pero rin naman din yan e

Jade

Jun 07, 2023 11:59 am

Wag na sila mag labas ng bagong pera kung ayaw nilang ipa tupi alam naman naten na mahirap mangyari ang kanilang gusto at pabor ang karamihan don lalo na sa mga nag t trabaho sa palengke at mga jeep driver alam naman naten ang kanilang trabaho na hindi maiiwasan matupi ang pera doon

Naitan

Jun 26, 2023 09:47 pm

may nakita din ako dati na kumakalat na video na hindi tinangap ang bagong 1k bill dahil sa ito at natupi pero sana ay hindi ito totoo at mag labas ang BSP ng malinaw na pahayag tungkol sa kanilang mga rules dahil labis itong nakaka bahala at baka isang araw ay bigla nalang hindi tanggapin ang akin pera kapag ako ay bumili gamit ang lukot na bagong 1k bill

Page 1 of 7.8


eboto.ph