FALSE: Angat Buhay Foundation, inangkin daw ang relief goods ng DSWD?

July 20, 2022




  • Nasalanta ng flash flood at landslide ang anim na barangay sa Ifugao, dahilan upang maghatid ng tulong ang Angat Buhay Foundation.
  • Nag-viral sa social media ang isang larawan kung saan magkasama ang donasyon ng DSWD at Angat Buhay sa iisang warehouse.
  • Ayon kay DSWD Sec. Erwin Tulfo, ang LGU ng Banaue, Ifugao ang nagsama-sama ng relief goods sa iisang warehouse bago ito nakunan ng larawan.


(2 min. read) – Ayon sa mga kumakalat na post, tila inangkin umano ng Angat Buhay Foundation ang relief goods ng DSWD sa isang operasyon sa Ifugao. Ito ay napatunayan nang hindi makatotohanan.

Sakuna sa Ifugao

Noong July 7, 2022, sinalanta ng malakas na pag-ulan ang Ifugao na nagdulot ng flash flood at landslide sa anim na barangay sa Banaue, ayon sa ulat ng DSWD. Tinatayang 500 na pamilya o 1,500 katao ang apektado ng sakunang ito.

Inangkin daw ang relief goods ng DSWD

July 9 nang ipinahayag ng Angat Buhay Foundation sa pangunguna ni dating Bise Presidente Leni Robredo ang kanilang relief efforts sa Ifugao. Kasama rin nito ang lokal na gobyerno sa porma ng Isabela-Quirino Development Council at Philippine Army. Kinabukasan naman nang i-post ng Inquirer sa kanilang Facebook page ang balita kung saan inulat nito ang relief efforts ng Angat Buhay Foundation. Makikita sa larawan na pinagsama-sama ang relief goods ng Angat Buhay at DSWD sa iisang warehouse ng LGU. Nang kumalat ang balita, nagdulot ito ng batikos mula sa mga netizen na iginigiit na tila inangkin daw ng NGO ang relief goods ng kagawaran.

Pahayag ng DSWD Secretary

Binigyang-linaw ni DSWD Sec. Erwin Tulfo sa kaniyang Facebook post noong July 10 na ang DSWD ay hindi pinahihintulutan na magbigay ng relief goods sa mga NGO. Ang DSWD, aniya, ay deretsong nakikipagtulungan sa apektadong LGU upang mapamahagi ang relief goods mula sa kagawaran. Samantala, ayon din sa imbestigasyon ng kaniyang team, isinama umano ng lokal na pamahalaan ng Banaue, Ifugao ang relief goods ng DSWD at Angat Buhay sa iisang warehouse bago ito nakunan ng litrato, dahilan ng naging usap-usapan.

Malinaw rin sa post ng Angat Buhay na ang litratong ginamit nila ay mula sa Isabela-Quirino Development Council at ang Angat Buhay volunteers, kasama ang Philippine Army, ang unang rumesponde upang magbigay ng logistical efforts sa mga napinsala ng flash flood at landslide sa Ifugao.


SOURCES:
[1] https://reliefweb.int/report/philippines/dswd-dromic-report-2-flashflood-incident-banaue-ifugao-09-july-2022-6pm 
[2] https://www.facebook.com/angatbuhaypilipinas/posts/116449367779420 
[3] https://www.facebook.com/inquirerdotnet/posts/356844769959818 
[4] https://www.facebook.com/erwintulforeal/posts/574856913996047 
[5] https://www.facebook.com/angatbuhaypilipinas/posts/116449367779420

Aaron

May 29, 2023 09:49 pm

Fake news dahil nag hatid ng relief goods ang Angat buhay foundation sa mga nasalanta sa Ifugao

Jade

Jun 07, 2023 11:50 am

Fakenews dahil nang nasalanta ng bagyo ang Ifugao ay agad na dumating ang Angat Buhay Foundation doon at namigay ng tulong o relief goods sa mga nasalanta ng bagyo

Naitan

Jun 26, 2023 09:26 pm

hindi totoo na inangkin ng angat buhay foundation ang relief goods at wala silang matibay na patunay na ninakaw nila ito

Aaron

Nov 01, 2023 12:02 am

hindi ito totoo dahil kaya nya namang bumili ng sarili nyang relief kung gugustuhin nya ay kahit kelan makakapag grocery sya kaya bakit nya gagawin ang bagay na ito

Jemma

Nov 05, 2023 01:20 pm

Ito ay walang katotohanan at gusto lamang siguro nila siraan ang nasabing Foundation

Page 1 of 7


eboto.ph